- Dan Dayao
Limang Kanto
Literary Art ⬝ Dan Dayao
Artwork ⬝ Maya Angelou Nievares
Read at your own risk. Might trigger some traumatic experience.
Limang kanto na lang patungo sa bahay ko
Akay-akay ko ang aking paboritong libro
Suot koy mumurahing maong
At t-shirt na tila sumasalamin sa dilim ng gabi
Apat na kanto na lang patungo sa bahay ko
Ramdam na ramdam ko ang bawat tingin
Animoy mga patalim na tumatagos sa aking mga buto
Ang libro ko’y yakap ko na
Mga paa ko’y palaki nang palaki ang bawat hakbang
Tatlong kanto na lang patungo sa bahay ko
Biglang may sumigaw at tumawag ng aking pansin
Pinatatagay ako dahil daw sa ayos ng aking porma
Nagdahilan akong pagod ako sa mga gawain buong araw
May nag-alok ng limang daan para ako’y manatili
Humingi ako ng pasensya at naglakad nang mabilis
Dalawang kanto na lang patungo sa bahay ko
Buong katawan ko’y nanlamig
Mula sa isang akbay na kailanma’y ‘di ko hiningi
At sa kamay na ngayon sa likuran ko’y nakadikit
Walang salitang lumabas mula sa aking mga labi
Kumaripas na lamang ako ng takbo
Diretso ang tingin habang sumasambit ng panalangin
Isang kanto na lang patungo sa bahay ko
Tanaw ko na ang aming bubungan
Tanaw ko na ang kaligtasan
Ngunit ang gabi pala’y may mas ididilim pa
Ang librong yakap ko’y nahulog sa daan
Punit ang mumurahin kong maong
At ang t-shirt ko’y binalot ng dumi ng kalsada
Kalauna’y naka-uwi rin ako sa bahay ko
Pero hindi na ‘yon ako
Kasabay ng pagdilim ng paligid
Ay ang pagnakaw nila ng aking pagkatao
Ang mundo ko’y tila nawalan ng katuturan
Ako ngayo’y nananatiling nakakulong
Sa kadiliman ng bawat sandaling binabagtas ko
Ang limang kanto